Nasawi ang isa lalaki matapos aksidenteng malamon ng isang makinaryang pang-ani o harvester sa Barangay Janipaan Oeste, Cabatuan, Iloilo.
Kinilala ang biktima sa alyas na “Jose”, 57-anyos, may asawa, at residente ng Barangay Janipaan Olo sa parehong bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Lieutenant Veto Bastiero Jr., Deputy Chief of Police ng Cabatuan, sinabi nito na habang nililinis umano ng biktima ang harvester, aksidente itong tinamaan ng bahagi ng makina na tinatawag na reaper.
Tinamaan ang kanang bahagi ng kanyang katawan, kabilang ang ulo, kamay, at paa.
Ang harvester ay pagmamay-ari ni Ma. Elvera Zanoria, na tiyahin rin ng biktima.
Ngunit ayon sa anak ng biktima na si Jerson Tirados, may dahilan upang pagdudahan ang sinasabing aksidente.
Kwento niya, bago ang insidente, inutusan umano ng driver ang kanyang ama na linisin ang bahagi ng harvester, partikular ang threshing drum.
Aniya, tatlo sila sa lugar nang mangyari ang insidente, at nakita niyang habang naglilinis ang kanyang ama, biglang pinaandar ng driver ang makina, dahilan para umikot ang threshing drum at tuluyang lamunin ang biktima.
Dahil sa matinding pinsala, agad na isinugod ang biktima sa Ramon Tabiana Memorial District Hospital ngunit idineklara rin siyang dead-on-arrival ng mga doktor.
Gayunpaman, duda ang pamilya ng biktima sa tunay na nangyari at pinaniniwalaang posibleng may masamang intensyon ang driver ng makina laban kay Jose.
Dahil dito, nananawagan sila ng hustisya para sa pagkamatay ng kanilang mahal sa buhay.
Sa ngayon, patuloy na nangangalap ng ebidensya ang mga awtoridad upang matukoy kung mayroong pagkukulang o pananagutan ang driver sa insidente.