Patuloy na nananatili sa evacuation center ang mga residente ng Sitio Morobuan, Barangay Compo, San Enrique, Iloilo matapos bahain ang kanilang lugar dahil sa walang tigil na pagbuhos ng malakas na ulan.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Jovylen Paca-oncis, isa sa mga residente ng nasabing sitio, sinabi niyang umabot na sa lebel ng ulo ng tao ang taas ng tubig, dahilan upang kailanganin nilang ilikas ng mga awtoridad para maiwasan ang anumang disgrasya.

Ibinahagi rin ni Paca-oncis na tuwing umaapaw ang tubig mula sa ilog at sapa papunta sa Jalaur River, nagdudulot ito ng biglaang pagtaas ng tubig sa kanilang komunidad.

Ayon pa sa kanya, labis na naapektuhan ng baha ang kanilang mga pananim at iba pang produktong pang-agrikultura.

Tinatayang mahigit 100 katao ang pansamantalang nanunuluyan sa evacuation center habang patuloy na mino-monitor ng mga awtoridad ang sitwasyon sa lugar.