ILOILO — Itinuturo ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na ang tubig-ulan na bumababa mula sa Mt. Caniapasan ang pangunahing sanhi ng pagbaha sa bayan ng San Enrique, Iloilo.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Ret. Col. Cornelio Salinas, hepe ng PDRRMO, ipinaliwanag niyang ang nararanasang pagbaha sa ilang bahagi ng lalawigan ay tinatawag na fluvial flooding — o pagbaha na nagmumula sa kabundukan at mga ilog.
Ayon kay Salinas, ang tubig mula sa Mt. Caniapasan ay umaagos patungong Nazuni, Dingle, at dumadaan sa Agutayan Creek bago ito tuluyang umapaw sa Jalaur River.
Batay sa datos ng PDRRMO, naapektuhan ng pagbaha ang mga barangay ng Compo at Palje sa San Enrique, gayundin ang Barangay Monpon sa Duenas, kung saan 27 pamilya o 40 katao ang apektado.
Sa kasalukuyan, ilang bahagi pa ng mga kalsada ang hindi pa madaanan dahil sa tubig at putik na naiwan sa lugar.
Patuloy namang mino-monitor ng PDRRMO ang lebel ng tubig sa Jalaur River upang maiwasan ang posibleng paglala ng sitwasyon.
Binigyang-diin ni Salinas na ang ganitong pangyayari ay isa sa mga epekto ng global warming, at nanawagan siya sa mga residente at lokal na pamahalaan na linisin at palalimin ang mga daluyan ng tubig upang maiwasan ang matinding pagbaha sa hinaharap.














