Arestado ang isang lalaki matapos niyang barilin at mapatay ang kanyang kakambal sa Sitio Dawis, Barangay Lagubang, Barotac Nuevo, Iloilo.
Kinilala ang suspek na si Alfonso, 56-anyos, residente ng Barangay Tubungan, Barotac Nuevo; habang ang biktima ay ang kanyang kapatid na si Zaldy.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Captain Jersey Besas, Officer-in-Charge ng Barotac Nuevo Municipal Police Station, lumapit umano si Zaldy sa kanilang ancestral house matapos mabalitaan na naroon si Alfonso.
Nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang magkapatid hanggang sa nagkasakitan. Mabilis na umalis si Alfonso, kinuha ang kanyang baril sa loob ng bahay, at binaril si Zaldy sa ulo at dibdib.
Agad na isinugod ang biktima sa ospital ngunit idineklara itong dead on arrival.
Ayon sa mga awtoridad, ang pagtatalo ng magkapatid ay nag-ugat umano sa isyu ng poste ng WiFi na nakatayo sa lupang pag-aari ng kanilang pamilya.
Nakasuhan na si Alfonso ng homicide, at posibleng madagdagan pa ito ng illegal possession of firearms.














