Nagpapahayag ng pagnanais na umuwi sa kanilang tahanan si Chief Presidential Legal Counsel at dating Senate President Juan Ponce Enrile, ayon kay dating Senador Gregorio “Gringo” Honasan.
Ayon kay Honasan, ayaw na raw ni Enrile na manatili pa sa ospital sa kabila ng kanyang kasalukuyang kalagayan. Sa ngayon, nananatili pa rin ang 101-taong-gulang na opisyal sa Intensive Care Unit (ICU) dahil sa pneumonia.
Dagdag pa ni Honasan, patuloy na binabantayan ng pamilya at mga doktor ang kondisyon ni Enrile.
Matatandaang noong nakaraang Martes, ibinahagi ng anak nitong si Katrina Ponce Enrile na kritikal ang lagay ng dating Senate President. Ayon naman kay Sen. Jinggoy Estrada, “slim” o maliit na lamang ang posibilidad ng kanyang paggaling.
Kahapon, pinangunahan ni Sen. Joel Villanueva ang isang panalangin sa Senado para sa paggaling ni Enrile.
Si Enrile ay kilala bilang isa sa mga pinakamatagal na nagsilbi sa pamahalaan, mula sa pagiging Defense Minister noong panahon ng Martial Law, hanggang sa pagiging Senate President at kalaunan ay Chief Presidential Legal Counsel ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.










