Hinimok ni Senador Bam Aquino ang Department of Justice (DOJ) na agarang aksyunan ang mga kasong may kinalaman sa umano’y maanomalyang flood control projects.

Ayon sa senador, inaasahan niyang magkakaroon na ng malinaw na resolusyon sa mga usaping ito pagsapit ng kalagitnaan ng Disyembre.

Tiniyak naman ni Prosecutor General Richard Anthony Fadullon na reresolbahin ng DOJ ang limang aktibong kaso at magsasampa pa ng karagdagang reklamo sa Office of the Ombudsman bago matapos ang taon.

Ipinaliwanag niyang ang naging pagkaantala sa proseso ay bunsod ng paghingi ng sapat na ebidensiya upang suportahan ang mga testimonya at dokumentong isinumite sa DOJ.

Kasabay nito, nanawagan din si Aquino sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na tuparin ang pangako nitong transparency portal, isang platapormang magbibigay sa publiko ng malayang access sa lahat ng kontrata ng ahensya.

Tugon ng DPWH, inaasahang magiging operational ang naturang portal sa loob ng isang buwan.

Binigyang-diin ni Aquino na mahalaga ang transparency portal upang maibalik ang tiwala ng publiko sa mga proyekto at operasyon ng pamahalaan.