Hindi masasagot ng simpleng pagpapalit ng Executive Secretary at Budget Secretary ang patuloy na isyu ng korapsyon at anomalya sa mga flood control project ng bansa, ayon sa ekonomistang si Prof. Emmanuel Leyco.

Ayon kay Leyco, nakaugat ang problema sa mismong sistema ng pamahalaan, isang sistemang nagbibigay-daan sa ghost projects at maling paggamit ng pondo ng bayan.

“Ang pagpapalit ng mga opisyal ay maaaring magbigay lamang ng impresyon na may repormang isinusulong, pero hindi nito natutugunan ang ugat ng problema sa korapsyon,” paliwanag niya.

Lumabas kamakailan ang mga alegasyon ng iregularidad sa mga flood control project ng Department of Public Works and Highways (DPWH), kung saan bilyon-bilyong piso ang umano’y nagastos ngunit kwestiyonable ang implementasyon.

Mariin namang itinanggi ng ilang mambabatas ang kanilang umano’y pagkakasangkot sa mga naturang anomalya.

Para kay Leyco, kinakailangan ang sistematikong reporma, mas mahigpit na auditing, at mas matibay na mga institusyon upang matiyak na ang pera ng taumbayan ay napupunta sa tama at makabuluhang proyekto.

“Ang tunay na solusyon ay ang pag-ayos ng sistema, hindi lang pagpapalit ng tao,” diin ni Leyco.