Binanatan ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson si Senadora Imee Marcos matapos umano nitong siraan ang sariling kapatid na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa harap ng libo-libong dumalo sa ikalawang araw ng kontra-katiwalian rally ng Iglesia ni Cristo (INC) sa Quirino Grandstand kagabi.

Sa naturang pagtitipon, sinabi ni Sen. Imee ang alegasyon na gumagamit umano ng ilegal na droga ang Pangulo at ang First Lady Liza Araneta Marcos — isang paratang na hindi suportado ng anumang opisyal na ebidensya at nananatiling hindi beripikado.

Ayon kay Lacson, nabawasan ang kanyang respeto kay Sen. Imee dahil sa paglalabas nito ng mabibigat na akusasyon laban sa sariling kapatid sa isang pampublikong pagtitipon.

“Hindi Pilipino ang ganoon,” ani Lacson, na iginiit na ang mga personal na alitan o hindi pagkakasunduan sa loob ng pamilya ay dapat inaayos sa pribadong paraan, at hindi inilalantad sa harap ng malaking bilang ng tao.

Nang tanungin naman hinggil sa posibleng motibo ng senadora, sinabi ni Lacson na pulitika lamang ang nakikita niyang dahilan.

“Pulitika, wala nang iba. Wala akong makitang ibang motibo. Bakit mo sisiraan ang sarili mong kapatid sa harap ng daan-daang libong tao?” pahayag ng senador.

Patuloy namang umaani ng reaksyon ang insidente mula sa publiko at iba’t ibang sektor, habang wala pang opisyal na tugon mula sa Malacañang hinggil sa mga pahayag ni Sen. Imee.