Nanawagan si Miss Universe 2018 Catriona Gray sa Miss Universe Organization (MUO) na magpatupad ng mas malinaw at transparent na judging process sa mga susunod na pageant, kasunod ng kontrobersiya at alegasyon ng dayaan sa pagkapanalo ni Fatima Bosch ng Mexico ngayong 2025.
Sa kanyang Instagram Broadcast Channel, sinabi ni Catriona na mahalagang maibalik ng MUO ang tiwala ng mga pageant fans sa pamamagitan ng malinaw na criteria, scoring system, at paggamit ng independent third-party tabulator. Ani Catriona, nakakadismaya ang mga ulat tungkol sa mga nag-resign na judges at umano’y kalituhan sa proseso ng judging system.
Gayunpaman, nalulungkot siya sa online hate na natatanggap ni Bosch at umaasang gagamitin ng bagong Miss Universe ang kanyang titulo para sa positibong adbokasiya.
Pinuri rin niya ang performance nina Ahtisa Manalo ng Pilipinas at Olivia Yacé ng Côte d’Ivoire sa Q&A, na itinuturing niyang pinakamalakas. Ayon kay Catriona, “basic” lamang ang final question at inaasahang handa ang mga kandidata rito.
Dagdag pa niya, batay sa kanyang karanasan bilang judge, nagkakaiba-iba ang panlasa ng mga hurado, ngunit nanindigan siya na transparency ang susi para maiwasan ang anumang duda sa resulta ng kompetisyon.














