Hihilingin ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang pagbibitiw nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte kasabay ng nakatakdang malawakang kilos-protesta sa Linggo, Nobyembre 30.
Ayon kay Bayan Chairperson Teddy Casiño, dapat managot ang lahat ng sangkot sa umano’y sistematikong korapsyon sa pamahalaan, at itinuturing niyang pangunahing responsable si Marcos.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Casiño na nadadawit din umano si Duterte dahil sa mga isyu hinggil sa confidential at intelligence funds.
Giit niya, nagbabatuhan lamang ng paratang ang dalawang pangunahing Partido, ngunit pareho umanong may kinalaman sa mga anomalya.
Hangga’t sila aniya ang nasa pinakamataas na posisyon, hindi inaasahang magkakaroon ng malaya at seryosong imbestigasyon.
Kasama rin sa kanilang isusulong ang paghahanda para sa susunod na halalan sakaling magbitiw sa puwesto ang dalawang opisyal.
Naninindigan ang grupo na kailangan ang pagtatatag ng isang transition council upang matiyak ang malinis na halalan at maiwasan ang muling pag-impluwensya ng mga political dynasty gaya ng mga Marcos at Duterte.














