Aksidente sa makasaysayang ‘funicular railway’ sa Lisbon, Portugal, kumitil ng mahigit 15 katao

82

Nagluksa ang lungsod ng Lisbon, Portugal matapos masawi ang hindi bababa sa 15 katao at masugatan ang ilan pa sa isang malagim na aksidente ng isang funicular railway na kilala sa mga turista.

Kumpirmado mula sa mga awtoridad na hindi bababa sa 15 ang nasawi habang marami ang sugatan matapos madisgrasya ang Glória Funicular sa Lisbon nitong Miyerkules. Ilang pasahero ang naiulat na naipit pa sa loob ng bagon habang nagpapatuloy ang rescue operations.

Sa inisyal na impormasyon mula sa Public Security Police, tatlo ang naiulat na nasawi at may mahigit dalawampung sugatan, kabilang ang siyam na nasa kritikal na kondisyon. Kinagabihan, lumobo pa ang bilang ng mga biktima.

Ayon kay Lisbon Mayor Carlos Moedas, ito ay isang napakabigat na araw para sa lungsod. Inilarawan niya ang insidente bilang isang matinding trahedya at sinabi na ang lahat ng yunit ng pamahalaang lungsod, kabilang ang mga emergency services, civil protection at fire department, ay nagtutulungan sa pagsagip at pagtugon sa mga biktima. Dagdag niya, buong Lisbon ay nagluluksa.

Ang Glória Funicular ay isang makasaysayang pampasaherong tren na binuksan pa noong 1885 at isa sa mga tanyag na atraksyong panturista ng lungsod. May kakayahan itong magsakay ng hanggang 42 katao.

Ayon sa mga video na ibinahagi ng mga nakasaksi sa social media, makikita ang makapal na usok sa lugar at ang kaguluhan sa paligid ng nadisgrasyang tren. Maraming pasahero ang nakita na lumalabas sa bintana ng isang bagon habang ang isa naman ay nakatagilid at wasak.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon sa sanhi ng pagkaderayl. Kabilang sa mga tumitingin sa insidente ay ang Homicide Brigade ng Judiciary Police, na bahagi ng standard procedure sa mga ganitong aksidente.

Ayon sa Carris, ang kumpanyang nangangasiwa sa operasyon ng Glória Funicular, nakahanda at aktibo na ang lahat ng kanilang tauhan at kagamitan upang tumugon sa insidente. Tiniyak ng isang opisyal na kasalukuyang mino-monitor ang sitwasyon ngunit hindi pa nagbibigay ng karagdagang detalye kaugnay ng posibleng sanhi.

Sa isang opisyal na pahayag, ipinahayag ni Portuguese President Marcelo Rebelo de Sousa ang kanyang taos-pusong pakikiramay sa mga naulila at naapektuhan ng insidente.