Mariing tinutulan ng beteranong election lawyer na si Atty. Romulo Macalintal ang pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) Elections sa 2025, kasunod ng pagpirma ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa batas na nagtakda ng bagong petsa ng halalan.

Ayon kay Macalintal, hindi sapat at hindi katanggap-tanggap ang mga dahilan sa likod ng Republic Act No. 12232, na nagsasaad ng paglipat ng halalan mula Disyembre 2025 patungong Nobyembre 2026.

Partikular na binigyang-diin ng abogado na ang dahilan ng “setting the terms of office” ay hindi maituturing na valid ground para sa postponement ng eleksyon, batay na rin umano sa mga naunang desisyon ng Korte Suprema, gaya ng kaso ng Macalintal vs. Comelec noong 2023.

Dagdag pa niya, hindi rin makatarungan ang paggamit ng BARMM parliamentary elections bilang rason para ipagpaliban ang barangay at SK elections. Aniya, may sapat na panahon at paraan ang gobyerno upang maisagawa ang parehong halalan nang hindi kinokompromiso ang alinman sa dalawa.

Bukod dito, kinuwestyon ni Macalintal ang bagong itinakdang petsa ng halalan sa Nobyembre 2, 2026, na natatapat sa All Souls’ Day. Aniya, hindi ito praktikal at posibleng makasagabal sa pagboto ng mamamayan na karaniwang ginugugol ang araw na ito para gunitain ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

Sa ngayon, naghain na si Macalintal ng petisyon sa Korte Suprema upang hilinging baligtarin ang naturang batas at ituloy ang Barangay at SK Elections sa orihinal na petsa ngayong 2025.