Matapos ang ‘Trillion Peso March’ laban sa korapsyon nitong Setyembre 21, 2025, binigyang-diin ni constitutional law expert Atty. Michael Henry Yusingco na hindi sapat ang protesta kung hindi susundan ng kongkretong hakbang tulad ng pagpapalit ng mga lider mula sa political dynasty at pananagutin ang mga tiwaling opisyal at kontratista na sangkot sa flood control scandal.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Michael Henry Yusingco, ipinaliwanag niya na ang ugat ng problema ay nakaugat mismo sa mga halal na opisyal na paulit-ulit umanong nagnanakaw sa kaban ng bayan, nagsasagawa ng budget insertions, at nagtataguyod ng ghost projects. Aniya, mahalaga na pumili ng mga kinatawan na tunay na galing sa komunidad at hindi kabilang sa mga political dynasty upang magkaroon ng makabuluhang pagbabago.

Dagdag pa niya, kung nais ng mamamayan na magkaroon ng pananagutan, kinakailangang makulong hindi lamang ang mga mambabatas na nasasangkot kundi pati ang mga tiwaling bureaucrats at mga kontratista. Bukod dito, iginiit niya na dapat mabawi ang pondong ninakaw at maibalik sa kaban ng bayan.

Tinukoy rin niya na sa lahat ng imbestigasyon hinggil sa flood control scandal at iba pang katiwalian, iisang ahensiya lamang ang may kapangyarihan na magdesisyon, ang Ombudsman, na dapat magsagawa ng masusing pangangalap ng ebidensiya at impormasyon upang mapanagot ang mga sangkot.

Ipinaliwanag din ni Yusingco na bagama’t mahalaga ang pagtitipon ng mga mamamayan, hindi ito awtomatikong nakapagtatapos ng problema. Batay sa kanyang pagsusuri, ang naganap na A Trillion March ay hindi maituturing na nagkakaisang pagkilos dahil may sari-sariling political agenda ang bawat grupo, mula sa anti-corruption at pro-Duterte hanggang sa anti-Marcos at anti-Duterte. Dahil dito, hindi ito maihahalintulad sa mga nagtagumpay na kilusang bayan sa Indonesia at Nepal.

Ayon pa sa kanya, ang tunay na epektibong mass action ay yaong may pagkakaisa at sustained o tuluy-tuloy na pagkilos, gaya ng karanasan ng bansa sa EDSA People Power 1 at 2. Sa ganitong pagkakataon lamang, aniya, matatakot ang mga opisyal ng pamahalaan at mapipilitang magbago. Ngunit kung hati-hati ang mga layunin, hindi matitinag ang mga nasa kapangyarihan at sa halip ay mas lalo pang mauuwi sa hidwaan.//JDS