Natuklasan ng mga mananaliksik sa Argentina ang isang bagong uri ng ‘carnivorous’ na buwaya na namuhay mahigit 70 milyong taon na ang nakalilipas at pinaniniwalaang nangangaso ng maliliit hanggang katamtamang laki ng mga dinosaur.

Ang pag-aaral ay inilathala nitong Miyerkules, Agosto 27, sa PLOS One.

Pinangalanang Kostensuchus atrox, kabilang ito sa naglahong pamilya ng Peirosauridae.

Natagpuan ito malapit sa El Calafate, Santa Cruz Province, ng pangkat na pinamunuan ng paleontologist na sina Fernando Novas at Diego Pol, katuwang ang mga mananaliksik mula Japan.

Kabilang sa natagpuang labi ang halos kumpletong bungo na halos 50 sentimetro ang haba, pati na rin ang malaking bahagi ng kalansay.

Batay sa pagsusuri, higit na panlupa ang pamumuhay ng buwayang ito kumpara sa mga modernong uri na karaniwang naninirahan sa tubig.

Tinatayang higit sa 3 metro (10 talampakan) ang haba ng buong katawan, kaya’t maituturing itong pangunahing maninila sa panahon nito.

May kakaibang hugis ang bungo—mas maikli, malapad at matibay kumpara sa mga kaanak nito. Mayroon itong mahigit 50 matutulis na ngipin, ang ilan ay umaabot ng higit 5 sentimetro ang haba, na may talim na angkop sa paghiwa ng laman.

Ang malalim na ibabang panga ay nagpapahiwatig ng napakalakas na kagat, patunay ng pagiging dominanteng mandaragit nito

Ayon sa mga mananaliksik, naiiba ito sa mga modernong buwaya na kadalasang nakalubog sa tubig.

Ang mataas na bungo, gilid na posisyon ng mga mata, at pasulong na butas ng ilong ay palatandaan ng pagiging mas panlupa.

Itinuturing ng mga eksperto na mahalaga ang tuklas na ito dahil nagpapakita ito ng lawak ng ekolohikal na papel ng mga buwaya sa Timog Amerika bago ang malawakang pagkalipol 66 milyong taon na ang nakararaan.