Iginiit ni Senate Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III na wala dapat ikabahala ang mga opisyal at mambabatas na nadadawit sa isyu ng flood control projects kung wala silang ginawang mali.
Sa isang panayam, sinabi ni Sotto na kung walang katiwalian sa pagkakasama ng ilang proyekto sa budget, wala rin umanong dahilan para matakot.
Binigyang-diin niya na dapat managot ang sinumang responsable, kabilang ang mga contractor, opisyal ng Department of Public Works and Highways, at mga politiko na posibleng nagpasok ng kuwestyunableng proyekto sa pondo.
Suportado rin ni Sotto ang kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa DPWH at Department of Budget and Management na muling busisiin ang buong pondo ng DPWH para sa 2026 sa ilalim ng National Expenditure Program.
Ayon sa kanya, hindi raw makakatarungan na dumiretso sa 2026 budget kung hindi pa natutukoy ang mga iregularidad sa 2025.
Binanggit niya ang ulat na may mga proyektong tinukoy nang ‘completed’ sa 2025 ngunit muling lumitaw sa 2026 budget. Para sa kanya, ito ay dapat tanggalin at tukuyin kung sino ang nagpasok nito.
Ipinunto rin ni Sotto ang kahalagahan ng Senate Bill 1215, na kanyang inihain, na naglalayong lumikha ng isang Independent People’s Commission upang magsagawa ng patas na imbestigasyon sa mga kaso ng maling paggamit ng pondo.
Aniya, makatutulong ito upang tiyaking may proteksyon ang taumbayan laban sa pang-aabuso sa kapangyarihan.
Dagdag pa niya, pera ng taong-bayan ang pinag-uusapan, hindi ng gobyerno, kaya nakapanghihinayang ang umano’y katiwaliang kaakibat ng mga ‘ghost projects.’