Uminit ang palitan ng pahayag sa pagitan ng kampo ni Iloilo City Mayor Raisa Treñas at Lone District Representative Julienne “Jam-Jam” Baronda kaugnay ng kontrobersiyal na waterway projects ng Department of Public Works and Highways, Iloilo City District Engineering Office (DPWH-ICDEO) at ang serye ng pagbaha sa lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Joy Fantilaga-Gorzal, tagapagsalita ni Mayor Treñas, iginiit niyang imbes tugunan ni Cong. Baronda ang mga usapin sa proyektong nakakaapekto sa mga daluyan ng tubig, pinili nitong itulak ang pulitikal na naratibo.
Ayon sa kanya, ang matinding pagbaha na nararanasan ngayon sa mga barangay malapit sa Buntatala, Dungon, Nabitasan, Mohon, at Bakhaw Creeks ay dulot ng mga proyektong isinagawa nang walang sapat na koordinasyon sa lokal na pamahalaan.
Tinukoy rin ni Fantilaga-Gorzal ang mga natuklasan ng Iloilo City Drainage Task Force, kabilang na ang slope protection project sa gilid ng Buntatala Creek na may taas na anim (6) na metro at ang konstruksyon ng Iloilo City Access Road Section 1 (Bike Lane) na umano’y nakapasok sa mismong creek channel, bagay na maaaring nakakapigil sa natural na agos ng tubig.
Ngunit mabilis na bumuwelta ang kampo ni Cong. Baronda. Sa inilabas na pahayag ng kanyang opisina, sinabi nitong ang alkalde ay pilit umanong inililihis ang isyu matapos maglabas , at kalauna’y bawiin ni Mayor Treñas ng cease and desist order laban sa mga proyektong pinopondohan ng nasyonal.
Ayon sa kanila, hindi pa rin makapagpakita ng malinaw na ebidensya ang kampo ni Mayor Treñas hinggil sa umano’y pagsang-ayon ni DPWH Secretary Manuel Bonoan sa pagpapatigil ng proyekto sa Buntatala Creek para sa masusing pagsusuri.
Dagdag pa sa pahayag, sinabi ng kampo ni Baronda na tahimik ngunit tuluy-tuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa national agencies gaya ng DPWH at ICDEO upang matiyak ang tamang implementasyon ng mga imprastruktura, at hindi umano sila sangkot sa pamumulitika.
“Let us be clear: flood control is primarily the responsibility of the Local Chief Executive – the Mayor,” ayon sa opisyal na pahayag ni Baronda.
Habang nagpapatuloy ang isyu, nananatiling sentro ng usapan ang kalagayan ng mga Ilonggo na apektado ng pagbaha.
Ayon kay Fantilaga-Gorzal, hindi ang tanong na “Sin-o ang mayor?” ang mahalaga, kundi “Sin-o ang magahimo sang aksyon para indi na kami magbaha?”