Isang barkong bulk carrier na pinamamahalaan ng isang kumpanyang Griyego at may bandilang Liberia—ang Eternity C—ang inatake nitong Lunes sa may baybayin ng Yemen.
Ayon sa mga maritime authorities at sa operator ng barko na Cosmoship Management, 22 ang sakay ng barko, 21 sa kanila ay mga Pilipino.
Dalawang tripulante ang iniulat na sugatan habang dalawa pa ang kasalukuyang nawawala.
Naganap ang insidente sa layong humigit-kumulang 50 nautical miles timog-kanluran ng daungan ng Hodeidah.
Inatake umano ang barko gamit ang mga sea drone at apat na bangkang mabilis na may sakay na mga armadong lalaki.
Ayon sa ulat, pinakawalan ang hindi bababa sa apat na rocket-propelled grenades (RPG) na tumama sa bahagi ng tulay ng barko at nagdulot ng matinding pinsala, kabilang na ang pagkasira ng sistema ng komunikasyon.
Sa kasalukuyan, iniulat ng European Union’s Operation Aspides na ang barko ay nasa kondisyon ng pagkaka-anod o adrift.
Kinumpirma rin ng Cosmoship na may tatlong armadong guwardiya sa barko sa oras ng insidente, ngunit hindi nito napigilan ang malawakang pinsala. Hindi pa tiyak kung anong nasyonalidad ang mga nawawalang tripulante.
Ang insidente ay sumunod lamang ng ilang oras matapos akuin ng mga rebeldeng Houthi ang pananabotahe sa isa pang barkong pag-aari ng Gresya, ang Magic Seas, na kanilang sinasabing lumubog.
Gayunman, hindi pa ito kumpirmado. Ligtas namang nakarating sa Djibouti ang 19 na Pilipinong sakay ng Magic Seas at ang kanilang security guard.
Pinaalalahanan ng mga otoridad ang lahat ng Pilipinong marino na patuloy na mag-ingat habang tumatawid sa Red Sea, sumunod sa mga direktiba ng kanilang mga kapitan at security officers, at manatiling alerto sa mga banta ng pag-atake.