LEON, ILOILO — Wala nang balak na ipa-autopsy ng pamilya ang bangkay ng isang basketball player na bigla na lamang nang-collapse habang naglalaro sa ginaganap na Inter-Barangay Basketball Game sa Barangay Apian, Leon, Iloilo.
Kinilala ang biktima sa alyas na “Richard,” 31 taong gulang, isang magsasaka at residente ng Barangay Barasan sa nasabing bayan.
Batay sa impormasyon, kagagaling lamang ng biktima sa pagdiriwang ng kanyang kaarawan noong Sabado, ngunit binawian siya ng buhay kinagabihan ng Linggo.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay PLT. Mark Cortez, deputy chief ng Leon Municipal Police Station, sinabi nitong bago ang insidente ay napansin ng mga kasamahan ng biktima na nakaupo na lamang ito sa gilid ng court.
Ayon sa isa sa mga kaibigan ng biktima, nagreklamo umano si “Richard” na masama ang kanyang pakiramdam at nangangalay ang katawan, dahilan upang hilingin pa niyang masahehin ang kanyang kamay. Ilang sandali lamang ay bigla itong bumagsak.
Agad siyang dinala sa Aleosan District Hospital, ngunit idineklarang dead on arrival ng mga doktor.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, posibleng over fatigue ang dahilan ng pagkamatay ng biktima. Nabatid na nanggapas pa ito sa bukid at naghanda ng pagkain para sa selebrasyon ng kanyang kaarawan, na kasabay rin ng kaarawan ng kanyang ina, bago siya lumahok sa nasabing laro.














