Nagkaroon ng bomb threat sa University of San Agustin – Basic Education Department sa Sambag, Jaro, Iloilo City kaninang umaga.

Ayon kay Police Captain Mavin Laraño, hepe ng Police Station 3, nakatanggap ang ilang guro ng text message na nagsasabing may ilang bomba sa paaralan. Nakasaad sa mensahe na may dalawang bomba sa kindergarten at apat sa main building.

Ayon sa text, ginawa umano ang bomb scare dahil sa diumano’y “unjust treatment” ng mga guro sa mga estudyante.

Dahil dito, maingat na inilipat ang mga estudyante at ipinaliwanag sa kanila na ito ay bahagi lamang ng fire drill upang hindi sila mag-panic.

Agad ding ipinaalam ng school administrator sa mga magulang na maaaring sunduin ang kanilang mga anak upang masiguro ang kaligtasan.

Dinalaw ng Explosives and Ordinance Disposal (EOD) Unit ang paaralan at idineklarang cleared ang campus matapos ang inspeksyon.