Umani ng matinding atensyon online ang British YouTuber na si Max Fosh matapos niyang pekehin ang sarili niyang kamatayan sa pagtatangkang makuha ang $50 na refund mula sa isang airline.
Ayon kay Fosh, hindi niya nagamit ang kanyang plane ticket at sinubukang i-refund ito. Ngunit batay sa refund policy ng airline, kamatayan lamang ng pasahero ang tanging dahilan na kanilang tinatanggap para ibalik ang bayad.
Dahil dito, bumiyahe si Fosh patungong Seborga, Italy, kung saan nakumbinsi niyang maglabas ng isang pekeng death certificate ang isang lokal na opisyal. Isinumite niya ito sa airline bilang “patunay” na siya ay pumanaw na.
Ngunit ayon sa kanyang abogado, ang ginawang ito ni Fosh ay mapanganib at maaaring mauwi sa kasong fraud, kahit pa ito ay bahagi lamang ng isang biro para sa kanyang YouTube channel.
Sa kabila ng lahat, hindi pa rin siya nakakuha ng refund. Gayunpaman, nag-trending ang kanyang video at umani ng sari-saring reaksiyon mula sa netizens. Marami ang naaliw, ngunit may ilan ding nagpaalala sa kahalagahan ng pag-unawa sa refund policy ng airline bago bumili ng ticket.
“Nakakatawa pero delikado,” ayon sa isang netizen. “Hindi dapat ginagawang biro ang mga ganitong bagay.”