KUALA LUMPUR, Malaysia — Nilagdaan ng China at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang pinakabagong bersyon ng kanilang Free Trade Agreement (FTA) nitong Martes, Oktubre 28, na layong palawakin ang kalakalan sa mga larangan ng digital economy, green economy, at iba pang umuusbong na industriya.

Ang ASEAN, na binubuo ng 11 bansa, ay nananatiling pinakamalaking trading partner ng China, na may kabuuang $771 bilyong halaga ng kalakalan noong nakaraang taon, batay sa datos ng ASEAN.

Ayon kay Chinese Premier Li Qiang, kailangang pabilisin ang liberalisasyon sa kalakalan at pamumuhunan upang mapatatag ang ugnayang pang-industriya ng mga bansa sa rehiyon.

“We must accelerate trade and investment liberalization and facilitation and strengthen industrial integration and interdependence,” ani Li sa pagpupulong ng mga lider ng ASEAN.

Tinaguriang “3.0 version” ng ASEAN-China FTA, nilagdaan ang kasunduan sa summit sa Malaysia, kasabay ng pagbisita ni U.S. President Donald Trump sa Asya. Nagsimula ang negosasyon para sa pag-upgrade noong Nobyembre 2022 at natapos nitong Mayo 2025, sa gitna ng umiigting na tariff offensive ng Estados Unidos laban sa iba’t ibang bansa.

Ayon kay Singaporean Prime Minister Lawrence Wong, ang bagong kasunduan ay magpapababa pa ng mga trade barrier, magpapatibay ng supply chain connectivity, at magbubukas ng mga bagong oportunidad sa agrikultura, digital economy, at pharmaceuticals.

Parehong miyembro ang China at ASEAN ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) — ang pinakamalaking trading bloc sa mundo na sumasaklaw sa halos ikatlong bahagi ng populasyon at 30% ng global GDP.

Sa kabila ng positibong hakbang sa ekonomiya, nananatiling hamon para sa Beijing ang tensyon sa South China Sea.

Noong Lunes, binatikos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang agresibong kilos ng China sa pinagtatalunang karagatan matapos ang serye ng mga insidente sa pagitan ng dalawang bansa.

Tumugon naman ang Chinese Foreign Ministry, sinasabing ang mga insidente ay dulot umano ng “provocation” mula sa panig ng Maynila.

Ayon kay Li, dapat palakasin ng rehiyon ang mutual trust at pabilisin ang pagbuo ng Code of Conduct upang maresolba ang mga sigalot sa karagatan.

“We must strengthen strategic mutual trust and strive for an early conclusion,” giit ni Li.

Ipinunto rin ni PM Wong na mahalagang mapanatili ang kapayapaan, kaligtasan, at kalayaan sa paglalayag at paglipad sa naturang waterway.

Patuloy pa rin ang trade war sa pagitan ng China at Estados Unidos simula nang manungkulan si Trump at magpatupad ng mataas na import tariffs sa mga produktong Tsino. Gayunman, kapwa bansa ang nagkasundo sa isang pansamantalang trade truce nitong weekend sa Kuala Lumpur.

Muling magkikita sina Trump at Chinese President Xi Jinping sa Seoul sa huling bahagi ng linggong ito upang pag-usapan ang mas matagalang kasunduan.

Sa kabila ng mga sigalot, nanawagan si Li Qiang na ipagtanggol ng rehiyon ang malayang kalakalan at iwasan ang “law of the jungle.”

“We should more firmly uphold the free trade regime and advance regional integration,” aniya.

Ang upgraded FTA ay inaasahang magpapalalim sa ugnayang pang-ekonomiya ng China at ASEAN sa gitna ng mga global na hamon sa kalakalan at seguridad.