Inamin ni DILG Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla nga nadismaya ito sa imbestigasyon na isinagawa ng Iloilo City Police Office kaugnay sa pagkamatay ni Dueñas Vice Mayor Lamasan.
Ayon kay Secretary Remulla, umabot pa sa 36 na oras matapos pumanaw ang biktima bago nagsagawa ng imbestigasyon ang ICPO.
Ito ang dahilan aniya na personal ito na nagtungo sa Iloilo kasama sina PNP acting cheif Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr. at CIDG Acting Director Major General Robert Alexander Morico II upang tutukan ang kaso.
Pahayag ni Secretary Remulla, mahalagang agad na maimbestigahan at ma-secure ang crime scene sa lahat ng insidenteng may kinalaman sa pamamaril upang matukoy kaagad ang tunay na dahilan ng pangyayari.
Gayunman, sa kaso ni Vice Mayor Lamasan, dahil sa pagkaantala ng imbestigasyon, kinailangan pang i-recreate ng mga awtoridad ang buong pangyayari.
Dagdag pa ni Remulla, matapos suriin ang lahat ng affidavits, nakumpirma na ang accidental firing ang nangyari at walang nakitang foul play sa pagkamatay ng bise alkalde.














