Humiling ang kampo ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) na agad siyang palayain nang walang kondisyon, kasabay ng paghahain ng apela laban sa desisyong nagpapatibay sa hurisdiksiyon ng ICC sa Pilipinas kahit umalis na ang bansa sa Rome Statute.
Sa 21-pahinang apela na inihain nitong Biyernes, iginiit ng mga abogado ni Duterte na nagkamali ang Pre-Trial Chamber sa interpretasyon ng batas at mga pangyayari nang magpasya nitong Oktubre na maaaring ipagpatuloy ng ICC ang mga proseso nito kaugnay ng Pilipinas.
Ayon sa depensa, ginamit umano ng Chamber ang isang “bago at walang batayang interpretasyon” ng Article 127(2) ng Rome Statute at itinuturing umano itong mas pinapairal kaysa Article 12, na siyang pangkalahatang alituntunin sa hurisdiksiyon ng korte.
“Mahirap unawain kung paano nagawa ng Pre-Trial Chamber na magpasya na ‘ang Article 127(2) ng Statute ay nagbibigay-daan sa Korte na ipagpatuloy ang paggamit ng hurisdiksiyon kung ang isyu ay nasimulan nang dinggin bago maging epektibo ang pag-alis ng isang estado,’” ayon sa kampo ni Duterte.
Kasalukuyang nakakulong si Duterte sa pasilidad ng ICC dahil sa kasong crimes against humanity kaugnay ng madugong giyera kontra droga ng kanyang administrasyon.
Tinuligsa rin ng apela ang paggamit ng ICC ng konseptong “subsequent practice,” at iginiit na hindi maaaring bigyang-kahulugan ang naging kilos ng Pilipinas matapos ang pagkalas nito bilang pagsang-ayon na may kapangyarihan pa rin ang korte.
Dagdag pa ng depensa, walang probisyon sa tratado na nagbibigay hurisdiksiyon sa ICC sa isang bansang hindi na kasapi.
“Ang ‘subsequent practice’ ng Pilipinas ay hindi maaaring gamiting gabay sa interpretasyon, lalo’t malinaw na ipinakita ng kabuuang kilos ng Pamahalaan ng Pilipinas ang pagtutol sa kakayahan ng Korte na gamitin ang hurisdiksiyon nito,” ayon sa dokumento.
Alinsunod sa Rome Statute, maaaring ipagpatuloy ng ICC ang pag-imbestiga sa mga krimeng naganap habang miyembro pa ang isang bansa. Nagsimula ang drug war noong 2016. Umalis ang Pilipinas sa tratado noong 2018 at naging epektibo ang pagkalas noong 2019.














