Bahagyang tumaas ang takbo ng ekonomiya ng Pilipinas matapos maitala ang 5.5 percent na Gross Domestic Product o GDP growth sa ikalawang quarter ng taon, ayon sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority.

Mas mataas ito kumpara sa 5.4% noong unang quarter, ngunit mababa sa 6.5% na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon at sa 5.6% na projection ng mga ekonomista.

Ayon sa mga analyst, nakatulong sa bahagyang pagbilis ng ekonomiya ang easing inflation na posibleng nagpalakas sa consumer spending. Gayunpaman, naapektuhan ito ng election-related ban sa public disbursements na naglimita sa paggasta ng gobyerno.

Pinakamalaking kontribusyon sa paglago ang wholesale at retail trade; repair ng motor vehicles and motorcycles na may 5.1%, public administration and defense; compulsory social security na pumalo sa 12.8%, at financial and insurance activities na may 5.6%.

Ang GDP at ang 0.9% na six-year low inflation rate nitong Hulyo ay inaasahang magiging batayan sa susunod na policy meeting ng Bangko Sentral ng Pilipinas sa Agosto 28.