Isang Filipino ang kabilang sa mga crew ng isang Dutch-flagged cargo ship na sinalakay ng isang explosive device sa Gulf of Aden, ayon sa European Union maritime mission na Aspides.

Body:
Inilikas ng mga rescuer ang 19 crew ng barkong Minervagracht, na binubuo ng mga Russian, Ukrainian, Filipino, at Sri Lankan matapos ang pag-atake na nagdulot ng malawakang pinsala at sunog sa barko.

Ayon sa Aspides, isa sa mga crew ang nagtamo ng sugat at nasa ligtas nang kondisyon habang isa pa ang malubhang nasaktan at dinala patungong Djibouti para sa medikal na atensyon.

Kinumpirma ng operator ng barko, ang Amsterdam-based Spliethoff, na ang Minervagracht ay nasa international waters ng Gulf of Aden nang tamaan ito ng isang hindi pa natutukoy na explosive device na nagpasimula ng sunog at nagdulot ng malaking pinsala.

Dagdag pa ng Aspides, ang cargo ship ay nasa humigit-kumulang 128 nautical miles timog-silangan ng port ng Aden sa Yemen nang mangyari ang pagsabog, at hindi ito humiling ng proteksiyon mula sa kanilang misyon bago ang insidente.

Hindi pa malinaw kung ang mga Houthi rebel na kaalyado ng Iran sa Yemen ang responsable sa atake. Simula 2023, ilang beses na silang umatake sa mga barkong naglalayag sa Red Sea na itinuturing nilang konektado sa Israel, bilang pakikiisa umano sa Palestine sa gitna ng digmaan sa Gaza.

Kung mapapatunayan, ito ang unang pag-atake ng Houthi laban sa isang commercial ship mula noong Setyembre 1, nang targetin nila ang Israeli-owned tanker na Scarlet Ray malapit sa port city ng Yanbu sa Red Sea ng Saudi Arabia.

Noong Hulyo, umatake rin ang mga Houthi at pinalubog ang bulk carrier na Magic Seas at ang cargo ship na Eternity C sa Red Sea. Ang huling malaking atake naman ng mga rebelde sa Gulf of Aden ay laban sa Singapore-flagged container ship na Lobivia noong Hulyo 2024.

Batay pa sa British security firm na Ambrey, dati na ring tinarget ang Minervagracht noong Setyembre 23 habang ito ay patungo sa Djibouti. /Via Reuters