Ibinunyag ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte na ipinahayag ng kanyang ama, si dating Pangulong Rodrigo Duterte, ang kanyang kahilingan na ma-cremate sa Netherlands sakaling bawian siya ng buhay habang nasa kustodiya ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague.

Sa isang panayam habang nasa Netherlands, ibinahagi ni VP Duterte na malinaw na nitong sinabi ng dating pangulo, na 79 taong gulang na ngayon, na ayaw niyang ibalik sa Pilipinas ang kanyang labi kung sakaling siya’y pumanaw habang nakakulong sa ICC.

“Sinabi niya na kung mamatay siya dito sa Netherlands, ayaw niyang ibalik ang katawan niya sa Pilipinas. Gusto niyang dito siya ma-cremate at ipadala na lamang sa Pilipinas ang kanyang abo,” ani VP Duterte.

Dagdag pa niya, may magkaibang pananaw sila ng kanyang ama ukol sa cremation. “Sabi ko sa kanya na pag-usapan na lang namin ‘yan sa ibang pagkakataon kasi hindi ako sang-ayon sa cremation, pero siya, sang-ayon,” dagdag ng Pangalawang Pangulo.

Nang tanungin kung paano niya tinanggap ang sinabi ng kanyang ama, sagot ni VP Duterte: “Normal lang ‘yung ganitong usapan para sa isang taong nasa edad niya. Magandang alam na ng lahat ang huling habilin niya para maisakatuparan ito kapag dumating ang oras.”

Ibinahagi rin ni VP Duterte ang lagay ng kalusugan ng kanyang ama, na umano’y labis nang nangayayat simula nang makulong ito. Inilarawan niya si Duterte bilang “balat at buto na lamang.”

Naaresto si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Davao City noong Marso 11 ng mga awtoridad ng Pilipinas base sa warrant na inilabas ng ICC. Nahaharap siya ngayon sa mga kasong crimes against humanity dahil sa libu-libong extrajudicial killings na umano’y naganap sa ilalim ng kanyang kampanya kontra droga.

Kasalukuyang nakakulong si Duterte sa Scheveningen Prison sa The Hague.