Ibinunyag ni Vice President Sara Duterte na nais ng kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte (FPRRD) na ipa-cremate siya sa Netherlands sakaling siya’y pumanaw habang nasa naturang bansa.
Sa isang panayam sa labas ng Scheveningen Prison sa The Hague noong Hulyo 8, sinabi ng Pangalawang Pangulo na nag-iwan na ng “huling habilin” ang dating pangulo.
“Nagbigay na siya ng kanyang mga huling habilin. Sabi niya, kung saan daw siya mamatay, doon daw siya i-cremate,” ani Duterte.
Ayon pa sa kanya, sinabi ng dating pangulo na kung siya ay mamatay sa Netherlands, huwag nang iuwi ang kanyang labi sa Pilipinas, bagkus ay ipa-cremate na lamang siya roon.
Bagamat tinanggap ni VP Sara ang habilin ng ama, sinabi niyang kailangan pa rin nila itong pag-usapan dahil siya ay hindi pabor sa cremation.
“Sabi ko sa kanya, hindi pa natin pag-uusapan ‘yan ngayon dahil hindi ako pro-cremation,” dagdag pa niya.
Inamin ng Pangalawang Pangulo na natural lamang na mapag-usapan ang mga ganitong bagay lalo’t ang dating pangulo ay nasa edad 80 na.
Aniya, kapansin-pansin ang pagpayat ng kanyang ama, ngunit gumanda naman umano ang kutis nito.
Gayunpaman, sinabi rin ni VP Sara na tila wala sa mood ang kanyang ama noong araw ng kanyang pagbisita. Ang tanging mensahe raw nito para sa mga Pilipino ay: “No guts, no glory.”
Dumating si VP Sara sa The Hague noong Hulyo 5 upang masulit ang panahon ng pagbisita sa kanyang ama.
Kasama rin niya roon ang kanyang ina na si Elizabeth Zimmerman, na kamakailan ay nagbigay rin ng update tungkol sa kalagayan ng dating asawa.
Nang tanungin kung may posibilidad na muling magkabati ang kanyang mga magulang, sinabi ni VP Sara na magkaibigan na lamang sila sa ngayon.
Mananatili si VP Sara sa The Hague hanggang Hulyo 23 at lilipad patungong South Korea sa Hulyo 28 para sa isang “Free Duterte Rally.”
Hindi siya dadalo sa ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa parehong araw.