Iginiit ni Iloilo 1st District Representative at dating Department of Health Secretary Janette Garin na walang kaugnayan ang tumataas na kaso ng leptospirosis sa ilang bahagi ng bansa sa mga kontrobersyal na flood control projects.

Pahayag ni Garin na ibang usapin umano ang leptospirosis at maling gawing isyu sa pulitika ang pag-uugnay nito sa flood control projects.

Giit niya, ang tunay na problema ay ang kakulangan sa maayos na komunikasyon at implementasyon ng mga programang pangkalusugan, gayong may pondo, gamot, at murang prophylaxis tulad ng doxycycline na hindi nagamit nang maayos.

Batay sa datos ng DOH, umabot na sa 1,272 ang naitalang kaso ng leptospirosis mula Hulyo 13 hanggang Agosto 6, kabilang ang 13 nasawi sa San Lazaro Hospital.

Ang sakit ay nakukuha sa ihi ng hayop tulad ng daga na humahalo sa tubig-baha, na nagdudulot ng lagnat, pagsusuka, pananakit ng kalamnan, at matinding sakit ng ulo.