Tahimik.
Sa gitna ng malamig na operating room sa Iloilo City, sa ilalim ng matitingkad na puting ilaw at huni ng makinaryang panmedikal, isang pasyente ang nakahiga, gising, hindi nakakakilos, ngunit mulat sa bawat segundo ng kanyang pakikipaglaban. Bukas ang kanyang bungo, tanaw ang maselang bahagi ng utak, habang ang kanyang tinig ay naririnig pa rin, sumasagot sa mga tanong, sumusunod sa utos, at nagpapakita ng lakas ng loob na bihira sa ganitong sandali. Sa paligid niya, tahimik ngunit alerto ang mga kamay ng mga espesyalista.
Ito ang makasaysayang tagpo sa likod ng kauna-unahang ‘awake craniotomy’ na isinagawa sa Panay Island, isang operasyong hindi lang isinagawa sa utak, kundi pinanday ng tapang at tiwala.
Ang procedure ay isinagawa sa Western Visayas Medical Center (WVMC) sa pangunguna ni Dr. Derek Ben T. Jabines, isang neurosurgeon at spine surgeon na nagsanay sa General Surgery at patuloy na hinasa sa larangan ng Neurosurgery sa ilalim ng Southern Philippines Integrated Neurosurgical Training Program, isang consortium ng Davao Doctors Hospital at WVMC.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo sa programang ”Doctor Bombo”, ikinuwento ni Dr. Jabines ang anim na oras na operasyon sa isang pasyente na may tumor sa tinatawag na eloquent areas ng utak, mga bahaging may kinalaman sa pagsasalita at paggalaw. Dahil sa kritikal na lokasyon ng tumor, hindi naging opsyon ang karaniwang general anesthesia. Sa halip, pinili ng team ang isang mas masalimuot na ruta: awake craniotomy, kung saan nananatiling gising at kausap ang pasyente sa mahahalagang yugto ng operasyon.
Hindi niya ito tinawid nang mag-isa. Si Dr. James Mercado, kapwa neurosurgeon mula sa Davao Doctors Hospital, ay katuwang niya sa operasyon. Pinanatiling ligtas at kalmado ang pasyente sa tulong ni Dr. Ceres Lucot-Laud, expert sa neuroanesthesia, habang si Dr. Paul Christian Sobrevega, isang neuropsychiatrist, ang nagsagawa ng intraoperative testing upang masigurong ligtas at aktibo ang mahahalagang brain functions habang tinatanggal ang tumor.
Ayon kay Dr. Jabines, isinailalim sa masusing mental at physical preparation ang pasyente bago ang operasyon. Hindi biro ang pagharap sa scalpel nang gising, ngunit sa dedikasyon ng team at tapang ng pasyente, matagumpay nilang naabot ang layunin: ang pagtanggal ng tumor habang pinapanatiling buo ang kanyang kakayahang magsalita, gumalaw, at mabuhay nang normal.
Ang tagumpay na ito ay patunay na hindi na kailangang lumuwas ng Maynila o lumipad paabroad para makamit ang highly specialized brain surgery. Sa puso ng Panay, may mga kamay na bihasa, may sistemang handa, at higit sa lahat, may tapang at tiwalang kayang humawak sa mga buhay sa oras ng panganib.
Sa bawat hakbang ng operasyon, hindi lang teknolohiya ang umiral, kundi ang koneksyon sa pagitan ng doktor at pasyente, ang tiwala sa proseso, at ang lakas ng loob sa gitna ng katahimikan. Sa wakas, napatunayan: kahit gising sa gitna ng operasyon, kayang isalba ang buhay, at ang pag-asa.