Ipinatupad na sa Iloilo City ang 10 araw na gun ban bilang bahagi ng security measures para sa high-level Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) meetings na nakatakda sa Pebrero 25 hanggang 27.
Ayon sa Police Regional Office 6 (PRO-6), epektibo ang temporary suspension ng Permit to Carry Firearms Outside of Residence (PTCFOR) simula noong Biyernes at tatagal hanggang Marso 1.
Sa ilalim ng direktiba, ang mga uniformed at on-duty personnel lamang mula sa otorisadong law enforcement agencies ang papayagang magdala ng armas.
Sa panayam naman ng Bombo Radyo kay PCol Wilbert Parilla, OIC Director ng Iloilo City Police Office, sinabi nito na nag-deploy na rin ng mahigit 1,900 na mga police personnel.
Ito ay para magbigay seguridad sa mga delegado sa loob ng tatlong araw na meeting.
Ang mga delegado ay mula sa mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations o ASEAN, kabilang ang Brunei, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar, Pilipinas, Singapore, Thailand, Timor-Leste at Vietnam.














