Sumisigaw ng hustisya ang pamilya ng pitong taong gulang na batang babae na ginahasa at pinatay sa loob mismo ng kanilang bahay sa Barangay Tambucao, Lambunao, Iloilo.

Nangyari ang krimen habang abala ang lalawigan sa paghahanda sa epekto ng bagyo Uwan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Dulsora Losares, lola ng biktima, siya mismo ang nakadiskubre sa bangkay ng kanyang apo na nakalagay sa sako at wala nang buhay.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nagtamo ng maraming sugat ang bata, kabilang ang mga gasgas at mga palatandaan ng panghahalay bago ito pinaslang.

Ayon kay Losares, nasa kalapit na barangay ang ama ng biktima nang mangyari ang krimen dahil nagtatrabaho ito bilang construction worker. Matagal nang hiwalay ang mga magulang ng bata, kaya madalas umano itong iniiwan sa kanyang lola kapag walang pasok.

Sa ngayon, hinihintay pa ang resulta ng autopsy sa labi ng bata.

Patuloy din ang imbestigasyon ng Lambunao Municipal Police Station upang matukoy ang motibo at mahuli ang responsable sa pagpatay sa bata.