Isinumite na ng International Criminal Court (ICC) prosecution panel ang ika-12 batch ng mga ebidensya laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa opisyal na dokumentong may petsang Hulyo 4, iniulat ng prosekusyon na naipasa nila sa kampo ng depensa ang 1,253 na pahina ng mga ebidensya noong unang araw ng Hulyo.
Ang nasabing ebidensya ay hinati sa sampung (10) pakete at sumasaklaw sa mga isyu kaugnay ng diumano’y “Davao Death Squad” noong panahon ni Duterte bilang alkalde, mga “Barangay Clearance Operations,” at mga “High-Value Target” operations noong siya ay Pangulo.
Nauna nang itinakda ng ICC pre-trial chamber ang Hulyo 1 bilang deadline para sa prosekusyon sa pagsusumite ng lahat ng ebidensyang gagamitin para sa confirmation of charges hearing.
Samantala, patuloy namang isinusulong ng kampo ni dating Pangulong Duterte ang petisyon na mapayagan siya sa isang interim release habang nagpapatuloy ang proseso ng kaso.
Nananatiling nakaantabay ang publiko at ang buong bansa sa mga susunod na hakbang ng ICC at kung ano ang magiging resulta ng isinasagawang imbestigasyon laban sa dating Pangulo.