Sinisi ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) si dating Public Works Secretary Manuel Bonoan sa umano’y sabwatan ng ilang inhenyero ng DPWH at pribadong kontratista sa P72.4-milyong “ghost” flood control project sa Plaridel, Bulacan.

Ayon sa ulat ng ICI na isinumite sa Office of the Ombudsman, naganap umano ang “paglustay ng pondo ng bayan” sa ilalim mismo ng pamumuno ni Bonoan.

Iminungkahi ng komisyon na sampahan siya ng mga kasong administratibo gaya ng grave misconduct, gross dishonesty, at paglabag sa Code of Conduct for Public Officials.

Kasama rin sa mga pinapanagot ang dating undersecretaries ng DPWH na sina Roberto Bernardo at Maria Catalina Cabral.

Sa imbestigasyon, lumabas na walang naitayong flood control structure sa lugar kahit buong bayad na ng mahigit P72 milyon sa kontratistang Topnotch Catalyst Builders Inc.

Ayon sa ICI, ang kapabayaan ni Bonoan ay “katumbas ng pandaraya” at malaking pagkakanulo sa tiwalang ibinigay sa kanya ng publiko.

Ang ulat na ito ay bahagi ng mas malawak na imbestigasyon sa mga umano’y ghost at overpriced projects ng DPWH na binanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang SONA.