Sumama ang pakiramdam ng ilang mga Ilonggo na bumisita sa mga sementeryo sa Iloilo City ngayong araw kasabay ng paggunita sa Undas.
Isa rito ang isang 78-anyos na babae na nahilo habang palabas ng Forest Lake Cemetery kaninang tanghali.
Tumama ang kanyang ulo sa semento at nagtamo ng bahagyang galos matapos tumaas ang kanyang blood pressure sa 190/94.
Sa Molo Cemetery naman, ilang mga residente rin ang sumama ang pakiramdam kaya pinaalalahanan ng mga pulis ang publiko na magdala ng payong at tubig kapag bibisita sa mga yumao.
Ngayong araw, mahigit 8,000 katao ang bumisita sa mga sementeryo sa Iloilo City, ayon sa pinakahuling ulat ng Iloilo City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO).
Napansin na kakaunti lamang ang mga bumisita kanina dahil sa matinding init ng panahon, kung saan umabot sa 39°C ang heat index.
Sa kabila nito, nananatiling payapa at maayos ang sitwasyon sa lungsod, at wala pang naiulat na anumang insidente sa kasalukuyan.
Ayon kay Police Brigadier General Josefino Ligan, direktor ng Police Regional Office 6, mananatili ang mga pulis sa mga sementeryo upang masiguro ang kaligtasan ng mga bumibisita.
Mahigpit ding sinisiyasat ang mga dala ng publiko upang matiyak na walang armas, patalim, inumin, o iba pang ipinagbabawal na gamit na maipapasok sa loob ng sementeryo.














