Ibinunyag ng Department of Justice (DOJ) na may posibilidad na ang mga natagpuang labi sa Taal Lake ay hindi lamang kaugnay ng kaso ng mga nawawalang sabungero kundi maaaring may kinalaman din sa iba pang krimen gaya ng ‘war on drugs’.

Sa isang pahayag, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na may natanggap silang impormasyon hinggil sa iba pang mga lugar sa paligid ng Taal Lake na posibleng ginamit sa pagtatapon ng mga labi ng mga biktima.

“Meron pa tayong ibang lugar na tinitingnan na hindi para sa e-sabong kundi maaaring may kinalaman sa war on drugs. Somewhere there in Taal din, malapit lang,” pahayag ni Secretary Remulla.

Ibinunyag din ng kalihim na isa sa mga palaisdaan sa lugar na may fish pond lease agreement ay pagmamay-ari umano ng isang operative na kabilang sa mga contractor na responsable sa pagtatapon ng mga bangkay.

Dahil dito, iniutos ni Remulla ang paghuhukay sa ilang bahagi ng Batangas upang masuri ang mga bangkay na natagpuan pa noong 2020, ngunit hindi kailanman kinuha ng anumang kaanak o pamilya.

“Nais naming malinawan ang mga kasong ito, hindi lang ang pagkawala ng mga sabungero kundi pati na rin ang ibang kaso ng pagkawala na maaaring konektado sa war on drugs,” ani Remulla.

Tatlong bangkay na ang ipinahuhukay ng DOJ para sa pagsusuri. Sinabi ni Remulla na bahagi ito ng mas malawak na imbestigasyon ng kagawaran sa mga kasong “disappearances” na matagal nang hindi nareresolba.

Bagama’t nakatuon pa rin ang DOJ sa kaso ng nawawalang mga sabungero, tiniyak ni Remulla na hindi nila isinasantabi ang posibilidad na may koneksyon ito sa mga insidente ng karahasan na nag-ugat sa kampanya kontra ilegal na droga.