Ibinunyag ni Senadora Imee Marcos na posibleng bumaligtad ang ilang testigo sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng umano’y korapsyon sa mga flood control project ng pamahalaan.

Ayon kay Marcos, may mga ulat na ilang testigo ang nakararanas ng pananakot at matinding pressure upang bawiin ang kanilang naunang mga pahayag. Bagaman hindi siya nagbanggit ng mga pangalan, tinukoy ng senadora na kabilang dito si dating Philippine Marines Technical Sergeant Orly Regala Guteza, na aniya ay may “pinakamabigat na testimonya” laban sa mga sangkot sa isyu.

Si Guteza ay unang ipinakilala bilang “surprise witness” ni Senador Rodante Marcoleta. Sa kanyang naunang salaysay, sinabi niyang nagsilbi siyang Marine at security consultant ni dating Congressman Elizaldy Co. Ikinuwento rin umano ni Guteza na nagdala siya ng mga maleta ng pera—na tinawag niyang “basura”, patungo sa mga bahay nina Co at dating House Speaker Martin Romualdez. Mariin namang itinanggi ni Romualdez ang paratang.

Dagdag pa ni Marcos, may mga testigo rin umanong pinipigilan na makadalo o makapagsalita sa mga pagdinig ng komite. Giit ng senadora, may mga taong “todo-todo” ang pananakot upang hindi lumabas ang katotohanan.

Tumanggi si Marcos na tukuyin kung sino ang nasa likod ng umano’y intimidasyon, ngunit tiniyak niyang sa huli ay mabubunyag din ang katotohanan.

Samantala, nabanggit din ng senadora na may impormasyon siyang ang kanyang pinsan na si dating House Speaker Martin Romualdez ang inaasahang “star witness” sa susunod na pagdinig. Gayunman, hindi pa tiyak ni Marcos kung dadalo ito sa imbestigasyon sa Biyernes.