ILOILO CITY – Susulatan na umano ng Iloilo City Council ang Pangulong Rodrigo Duterte para linisin ang pangalan ni Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog na paulit-ulit na tinawag ng presidente na drug protector.
Titipunin umano ng Iloilo City Council ang lahat na mga Memorandum of Agreement (MOA), mga ordinansa, resolusyon at iba pang dokumento upang makasuporta sa pagtatangka ng mga konsehal na linisin ang pangalan ni Mabilog sa pagkakauganay sa iligal na droga.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Councilor Joshua Alim, sinabi nito na hindi nila maintindihan sa konseho kung bakit parating binabanggit ni Duterte si Mayor Mabilog at iniuugnay sa illegal drugs ang alkalde ng Iloilo City.
Ayon kay Alim, marami na ang mga naitulong ng lungsod sa ilalim ni Mayor Mabilog sa pulisya at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at pangunguna sa mga programa at proyekto para sa mga naapektuhan ng iligal na droga.
Gagamitin naman ng Iloilo City council ang mga matitipon na dokumento upang mapaintindi umano sa Pangulo na hindi nagkukulang si Mayor Mabilog sa kampanya laban sa iligal na droga at wala itong kaugnayan sa illegal drug trade.