Hindi inaprubahan ni Iloilo City Mayor Raisa Treñas ang kahilingan ng Iloilo City Police Office (ICPO) para sa signal jamming o anumang uri ng network shutdown kasabay ng mga pangunahing aktibidad ng Dinagyang Festival.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Joy Fantilaga Gorzal, tagapagsalita ng alkalde, sinabi niyang ang desisyong ito ng alkalde ay ginawa sa koordinasyon sa Iloilo Festivals Foundation, Inc. (IFFI).

Ayon sa kanya, ayaw na ng Pamahalaang Lungsod na maulit ang mga nakaraang edisyon ng Dinagyang kung saan ipinatupad ang signal shutdown, na hindi lamang nakaapekto sa Lungsod ng Iloilo kundi pati na rin sa mga karatig-bayan at maging sa lalawigan ng Guimaras.

Noong panahong iyon, naapektuhan din ang mga food delivery riders, mga industriya ng e-commerce, pati na rin ang mga hakbang sa emergency response.

Sa halip na signal shutdown, hiniling ng Pamahalaang Lungsod sa Philippine National Police (PNP) na magpatupad ng mas mahigpit at mas nakikitang mga hakbang sa seguridad upang matiyak ang kaligtasan ng mga dadalo sa kapistahan.

Nangako naman ang pulisya ng full force deployment, kabilang ang mobilisasyon ng mga force multipliers.#