Pinahintulutan ng Iloilo City Government ang pansamantalang pagbebenta sa mga sidewalk o temporary open sidewalk vending sa piling lugar ng lungsod simula Nobyembre 15, 2025 (Sabado).

Batay ito sa Executive Order No. 139, Series of 2025, na nilagdaan ni Iloilo City Mayor Raisa Treñas, bilang bahagi ng mga aktibidad sa pagdiriwang ng holiday season.

Sa nasabing kautusan, papayagan ang sidewalk vending sa mga petsang Nobyembre 15, 16, 22, 23, 29, 30, at mula Disyembre 1 hanggang 31, 2025.

Kabilang sa mga lugar na pinapayagan ang pagtitinda ay ang ilang bahagi ng Iznart, J.M. Basa, Ledesma, Valeria, at Delgado Streets, pati na rin ang mga itinalagang lugar malapit sa Jaro Plaza, Molo Plaza, at Mandurriao Plaza.

Ayon kay Joy Fantilaga-Gorzal, tagapagsalita ni Mayor Treñas, ipinalabas ang nasabing executive order upang makatulong sa kabuhayan ng mga residente, lalo na ngayong panahon ng Kapaskuhan.

Nilinaw rin ni Gorzal na hindi maaaring magtinda ang mga sidewalk vendors kung saan-saan lamang upang maiwasan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko at mapanatiling maayos ang biyahe ng mga motorista.

Nanawagan naman ang pamahalaang lungsod sa mga magtitinda na sumunod sa lahat ng kinakailangang dokumento tulad ng barangay clearance, special permit, health card, at pagsunod sa stall size guidelines.

Dagdag pa rito, mahigpit na ipatutupad ng city government ang “No Permit, No Stall” na polisiya.