Inilabas na ng Aircraft Investigation Bureau ng India ang kanilang paunang ulat kaugnay sa pagbagsak ng isang eroplano ng Air India noong Hunyo.

Batay sa imbestigasyon, sinasabing pinutol ang fuel control switches sa loob ng cockpit ng Boeing 787 Dreamliner, dahilan kaya’t hindi nakapagpadala ng gasolina sa mga makina ng eroplano.

Ayon pa sa ulat, ito rin ang lumabas sa black box ng eroplano na naglalaman ng 49 na oras na flight data at dalawang oras na cockpit voice recording.

Sa nasabing recording, maririnig na tinanong ng kapitan ang co-pilot kung bakit niya pinutol ang suplay ng gasolina, ngunit itinanggi ito ng huli. Ang nasabing fuel cutoff switch ay matatagpuan sa pagitan ng dalawang piloto at may locking mechanism upang maiwasan ang aksidenteng paggalaw nito.

Ayon pa sa mga imbestigador, umabot na sa 180 knots ang bilis ng eroplano nang biglaang mawalan ng power ang dalawang makina nito dahil sa fuel cutoff.

Ang kapitan ng flight ay isang 56-anyos na lalaki na may kabuuang 15,000 flying hours, samantalang ang co-pilot ay 32 taong gulang at may 3,400 oras ng karanasan sa paglipad.

Matatandaang noong Hunyo 12, lumipad ang nasabing eroplano mula Sardar Vallabhbhai Patel International Airport patungong London nang ito ay bumagsak sa hindi pa natutukoy na lokasyon.

Sa kabuuang 242 na sakay ng eroplano, kabilang ang mga crew, 169 ay Indian nationals, 53 ay Britons, pito ang Portuguese, at isa ay Canadian. Isang Briton lamang ang naiulat na nakaligtas sa insidente.