Isang 49-anyos na lalaki ang nasawi habang hindi bababa sa 80 pamilya ang inilikas matapos ang malalakas na pag-ulan na nagdulot ng matinding pagbaha sa mga bayan ng Balingasag at Lagonglong sa Misamis Oriental nitong weekend.

Ayon sa ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, ang biktima ay inanod ng rumaragasang tubig habang tinatawid ang spillway sa Barangay Camuayan, Balingasag bandang alas-tres ng madaling-araw. Natagpuan ang kanyang bangkay sa baybayin kinabukasan.

Sa Claveria Rosario, nasa sampung pamilya ang inilikas, habang sa bayan ng Lagonglong, umabot sa taas-tuhod ang baha sa Barangay Poblacion kaya’t 71 pamilya ang pansamantalang dinala sa evacuation center.

Nagbalikan naman sa kani-kanilang bahay ang mga apektadong pamilya matapos humupa ang baha. Walang naiulat na nawasak na bahay o nasirang kagamitan ayon sa mga awtoridad.