Isa ang nasawi habang apat naman ang sugatan matapos mag-amok ang isang pasyente sa loob ng Aleosan District Hospital sa Brgy. Bancal, Alimodian, Iloilo.
Ang suspek ay si alyas Roy, residente ng Barangay Cagay, Leon na na-admit sa nasabing ospital matapos uminom ng lason na ginagamit sa damo.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay PCPT Chrysler John Ledesma, hepe ng Alimodian Municipal Police Station, sinabi nito na nakatakda na sanang ma-discharge si Roy, ngunit bigla itong nagwala pagdating sa nurses’ station.
Gumamit umano siya ng IV stand o patungan ng dextrose at pinaghampas ang mga taong nasa paligid.
Isa sa nasugatan ay ang 24-anyos na nurse na si alyas Patricia na residente ng San Miguel, Iloilo.
Sugatan din ang tatlong mga bantay sa mga pasyente sa ospital.
Ito ay sina alyas Marjorie,48, residente ng Alimodian; alyas John, 23, residente ng San Miguel; at alyas Frederico, 62,residente ng San Miguel.
Ang namatay naman ay si alyas Lilia, 80-anyos, residente ng Alimodian at isang pasyente sa ospital.
Siya ay nagtamo ng malubhang sugat sa dibdib matapos hinampas ng suspek.
Naawat din kalaunan ang suspek sa tulong ng mga nurse at ilang bantay ng pasyente. Kasalukuyang nasa kustodiya na ng Alimodian Police Station si Roy at nakatakdang sampahan ng kasong homicide at physical injuries.