Binigyan ng House committee on appropriations ng pitong araw ang bagong kalihim ng Department of Public Works and Highways na si Vince Dizon upang repasuhin at muling isumite ang P881.3-bilyong budget proposal ng ahensya para sa 2026, kung saan halos isang-katlo ay nakalaan sa flood control projects.
Sa mosyon ni Rep. Leila de Lima, itinakda ng komite ang deadline sa Setyembre 16 para sa pagsusumite ng lahat ng errata, amendments, at bagong probisyon bago ipagpatuloy ang deliberasyon.
Inamin ni Dizon na halos hindi niya maunawaan ang kasalukuyang panukalang budget dahil umano sa “state of disarray.” Kanyang idiniin na bukas siya sa pagbawas ng alokasyon lalo na sa flood control na umabot sa P268 bilyon, dahil matagal nang inuugnay sa korapsyon.
Ipinunto rin ni Rep. Marcelino Libanan na maraming flood control projects ang inilaan sa mga lugar na hindi naman binabaha, samantalang ang mga bagyuhin namang komunidad ay kulang sa sea walls. Ayon kay Dizon, kailangang bawasan ang pondo para sa mga hindi prayoridad na lugar at ituon sa mga aktuwal na nangangailangan.
Bukod sa flood control, binanggit din ni Dizon na rerepasuhin ang mga “coded” contracts, rock-netting projects, redundant asphalt overlays, at solar rock studs na matagal nang itinuturing na pinagkukunan ng kickbacks.
Samantala, iminungkahi ni Rep. Chel Diokno ang paggamit ng bank secrecy waivers at cyber warrants upang matunton ang posibleng katiwalian at makapreserba ng ebidensya laban sa mga tiwaling opisyal. Sinabi ni Dizon na bukas siya sa koordinasyon kasama ang Philippine National Police-Cybercrime Division para dito.
Nananatiling suspendido ang deliberasyon sa budget ng DPWH hanggang maipasa ang binagong panukala.