Nanawagan ang kampo ng religious leader na si Apollo Quiboloy nitong Huwebes sa administrasyong Marcos na hayaan munang magpasya ang mga korte sa Pilipinas kaugnay ng kanyang mga kaso bago gumawa ng desisyon hinggil sa kahilingan ng Estados Unidos para sa kanyang extradition.

Ayon sa abogado ni Quiboloy na si Atty. Israelito Torreon, a kinikilala nila na nakasaad sa kasunduan sa extradition ng dalawang bansa na nasa kapangyarihan ng Pilipinas kung papayagan ang paglilipat kay Quiboloy, kahit pa nakabinbin o napagdesisyunan na ang kaso laban sa kanya.

Base sa impormasyon, naipasa na noong Hunyo sa Department of Justice (DOJ) ang mga dokumentong sumusuporta sa extradition request ng US.

Kinumpirma rin ni Philippine Ambassador to Washington Jose Manuel Romualdez na may opisyal na kahilingan na ang Amerika at nakatakdang magpulong sina US Ambassador MaryKay Carlson at Justice Secretary Crispin Remulla sa susunod na linggo hinggil dito.

Dagdag ni Torreon, hindi pa natatanggap ng kanilang kampo ang kopya ng naturang dokumento.

Bagama’t kinikilala nila ang karapatan ng US na maghain ng kahilingan, sinabi niya na hindi pa kailangan ang provisional arrest dahil wala namang agarang pangangailangan.

Matatandaang tinanggihan ng Pasig Regional Trial Court noong Hulyo ang hiling na piyansa nina Quiboloy at mga kasamahan kaugnay ng kasong qualified trafficking for sexual abuse at labor exploitation.

Bukod dito, humaharap din si Quiboloy sa kasong paglabag sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act sa Quezon City.

Sa Estados Unidos, nakasampa laban sa kanya ang mga kaso ng conspiracy to engage in sex trafficking, sex trafficking of children, at bulk cash smuggling. Nasa FBI most wanted list siya mula pa noong 2021.

Mariing itinanggi ng kampo ni Quiboloy ang lahat ng akusasyon.

Kasalukuyang nakakulong si Quiboloy sa Pasig City Jail.