Nagpahayag ng buong suporta si North Korean leader Kim Jong Un kay Russian President Vladimir Putin kaugnay ng patuloy na digmaan sa Ukraine, ayon sa ulat ng state media ng Pyongyang nitong Linggo.
Ginawa ni Kim ang kanyang pahayag sa pakikipagpulong kay Russian Foreign Minister Sergei Lavrov, na bumisita sa North Korea bilang bahagi ng serye ng diplomatic missions ng mga mataas na opisyal ng Russia. Layunin ng mga pagbisitang ito na palakasin ang ugnayang diplomatiko sa gitna ng nagpapatuloy na tensyon sa pagitan ng Russia at ng mga bansang Kanluranin.
Ipinahayag ni Kim ang kanyang matibay na suporta sa anumang hakbang na gagawin ng pamahalaan ng Russia upang maresolba ang krisis sa Ukraine. Kumpyansa rin umano ang North Korean leader na magtatagumpay ang Russian army sa kanilang layuning ipagtanggol ang dignidad at soberanya ng kanilang bansa.
Matapos ang kanilang pag-uusap, nagpugay si Lavrov kay Kim at muling pinagtibay ang mga kasunduang nabuo sa summit ng North Korea at Russia noong Hunyo 2024. Kabilang sa mga ito ang mga usaping pang-ekonomiya, militar, at diplomatikong kooperasyon.