Isang 33-anyos na lalaki mula Hunan, China ang dinala sa emergency room ng First Affiliated Hospital ng Hunan Medical University dahil sa matinding pananakit ng tiyan at pagkahilo. Namumutla at pawis na pawis ang pasyente nang dumating sa ospital.
Ayon sa ulat ng Huaihua Daily, matapos isailalim sa CT scan, nadiskubre ng mga doktor ang kakaibang bagay sa loob ng tiyan ng lalaki. Lumalabas na may 12-inch na buhay na igat na tumagos mula sa bituka at lumalangoy sa abdominal cavity.
Dahil sa matinding sakit at panganib na dulot ng impeksiyon, agad na isinailalim ang pasyente sa laparoscopic surgery. Sa operasyon, nagulat ang mga surgeon nang makita ang gumagalaw na igat sa loob ng tiyan.
Napag-alaman na may butas sa bahagi ng bituka ng lalaki na siyang daan ng pagpasok ng igat. Ginamit ng mga doktor ang espesyal na clamp upang tanggalin ang igat, at nilinis nila nang maigi ang apektadong bahagi. Tinahi rin nila ang butas sa bituka upang maiwasan ang posibleng impeksiyon.
Matagumpay na nakarekober ang pasyente at nakalabas ng ospital ilang araw matapos ang operasyon. Sa ngayon, hindi pa matukoy kung paano nakapasok ang igat sa loob ng kanyang katawan, at patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad.
Ang insidenteng ito ay nagbigay babala sa publiko tungkol sa posibleng panganib ng mga kakaibang impeksiyon at ang kahalagahan ng agarang medikal na atensyon kapag nakararanas ng matinding pananakit ng tiyan.