Leptospirosis Alert: Mga Dapat Malaman Para Maiwasan ang Sakit

Health Article

93

Kasabay ng malamig na hangin at tila walang-katapusang ulan, may banta na hindi agad nakikita ng mata, tahimik, mabilis kumalat, at maaaring maging sanhi ng matinding karamdaman. Sa bawat paglusong sa baha, maaaring kasabay nito ang panganib na dulot ng ”leptospirosis”, isang sakit na hindi palaging nabibigyan ng pansin ngunit patuloy na kumakalat sa maruruming tubig sa paligid.

Habang marami ang nag-aakalang simpleng lagnat lamang ang sintomas ng leptospirosis, may mga pagkakataong lumalala ito at humahantong sa seryosong komplikasyon o kamatayan. Sa mga bayan sa Iloilo na madalas tamaan ng pagbaha, ang sakit na ito ay hindi na banyaga sa maraming residente.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay 𝗗𝗿. 𝗥𝗼𝗱𝗻𝗲𝘆 𝗥. 𝗟𝗮𝗯𝗶𝘀, Provincial Health Officer I ng Iloilo, ibinahagi niya ang datos mula Enero hanggang Hulyo 19, 2025, kung saan umabot na sa 73 kaso ng leptospirosis ang naitala sa lalawigan, kabilang ang isang nasawi. Ayon sa kanya, ang mga kaso ay nagmula sa 28 bayan, na may pinakamaraming kaso sa Janiuay at Oton (5 kaso bawat isa), habang tig-apat naman ang naitala sa Alimodian, Badiangan, Dumangas, Lambunao, Leon, at Pototan.

Pinaliwanag ni Dr. Labis na ang leptospirosis ay sanhi ng ‘Leptospira bacteria’, na kadalasang makikita sa ihi ng mga hayop tulad ng daga. Kapag nahaluan ng baha ang ihi ng mga ito, nagiging daan ito ng impeksyon lalo na kung may sugat o galos ang balat ng tao, o kung ito’y lumusong sa baha nang walang proteksyon.

Ano ang mga sintomas ng leptospirosis?
Ang mga karaniwang palatandaan ay lagnat, pananakit ng katawan (lalo na ng kalamnan), paninilaw ng mata, pananakit ng ulo, pagsusuka, at pamumula ng mata. Kapag lumala, maaaring maapektuhan ang atay, bato, at maging ang puso.

𝗣𝗮𝗮𝗻𝗼 𝗶𝘁𝗼 𝗺𝗮𝗶𝗶𝘄𝗮𝘀𝗮𝗻?
Binigyang diin ni Dr. Labis ang mga hakbang mula sa Department of Health (DOH) upang makaiwas sa sakit:

  • Iwasang lumusong sa baha, lalo na kung may sugat.
  • Gumamit ng proteksyon tulad ng boots kung kinakailangang dumaan sa baha.
  • Maghugas agad ng katawan at paa pagkatapos lumusong sa tubig-baha.
  • Uminom ng 𝒅𝒐𝒙𝒚𝒄𝒚𝒄𝒍𝒊𝒏𝒆 bialng 𝒑𝒓𝒐𝒑𝒉𝒚𝒍𝒂𝒙𝒊𝒔, lalo na sa mga taong mataas ang exposure.

Mga Antas ng Panganib (Risk Levels):

  • Mild Risk – Isang beses na exposure sa baha
  • Moderate Risk – Paulit-ulit na exposure pero walang bukas na sugat
  • High Risk – Madalas at direktang exposure, lalo na kung may sugat sa katawan

Ayon pa kay Dr. Labis, mas apektado rin ang mga matatanda, bata, at mga may mahinang resistensya, kaya’t mahalagang mapanatili ang kalinisan at pag-iingat tuwing may pagbaha.

Sa panahong tila normal na ang baha tuwing tag-ulan, mahalagang hindi rin maging normal ang pagiging kampante. Ang simpleng pag-iwas sa baha, paggamit ng proteksyon sa katawan, at tamang kaalaman sa mga sintomas ng leptospirosis ay makapagliligtas ng buhay. Sa dulo, hindi ulan o baha ang dapat katakutan, kundi ang mga sakit na dala nito kapag tayo’y naging pabaya.