Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes na libre na ngayong taon ang dialysis sessions para sa mga miyembro ng PhilHealth.
“Sa mga nagda-dialysis, ang mga session nito na tatlong beses sa isang linggo, libre na sa buong taon. Libre na rin po pati ang mga kinakailangang gamot,” anunsyo ni Marcos.
Bukod dito, sinabi rin ng Pangulo na tinaasan na ng gobyerno ang coverage ng PhilHealth para sa kidney transplant procedures — mula sa dating ₱600,000 ay ginawa na itong ₱2.1 milyon. Saklaw na rin ng PhilHealth ang mga gamot na kailangan pagkatapos ng transplant.
Ayon sa Department of Health (DOH), patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng chronic kidney disease sa bansa, kabilang na ang mga apektadong bata. Isa ito sa mga dahilan kung bakit pinalawak ang benepisyo para sa mga pasyenteng may sakit sa bato.