Patay ang isang 60-anyos na fruit vendor matapos pagsasaksakin ng kanyang 20-anyos na helper dahil umano sa palagiang pagbubulyaw nito sa kanya sa mismong public market ng Calbayog City.
Kinilala ang biktima bilang si “Lola Andeng,” na idineklarang dead-on-arrival sa Calbayog District Hospital dahil sa malalalim na saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Arestado agad ang suspek na si Samuel, ang helper ng matanda, matapos tumakas sa lugar ng krimen ngunit nahuli ng mga pulis na rumesponde.
Ayon sa mga testigo, nakita nila ang galit na galit na si Samuel habang pinagsasaksak ang matanda, na nagmamakaawa para sa kanyang buhay ngunit hindi pinatawad ng suspek. Ginamit nito ang isang bagong hasang kutsilyo.
Inamin ng suspek sa presinto na nagawa niya ang krimen dahil naiinis siya sa palagiang pagbubulyaw ng biktima.
Nahaharap ngayon si Samuel sa kasong pagpatay habang iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang insidente.