Ipinahayag ni Madagascar President Andry Rajoelina na kanyang binuwag ang gobyerno kasunod ng serye ng protesta ng kabataan laban sa malalang problema ng water at power cuts na ikinasawi ng hindi bababa sa 22 katao at mahigit 100 ang nasugatan, ayon sa United Nations.
Sa kanyang televised speech nitong Lunes, sinabi ni Rajoelina na humihingi siya ng paumanhin kung may mga opisyal ng gobyerno na nabigong gampanan ang kanilang tungkulin.
Ang tatlong araw na protesta, na tinaguriang hango sa “Gen Z” protests sa Kenya at Nepal, ang pinakamalaki sa Madagascar sa nakalipas na maraming taon.
Itinuturing din itong pinakamabigat na hamon kay Rajoelina mula nang siya ay muling mahalal noong 2023.
Batay sa ulat ng United Nations High Commissioner for Human Rights, kabilang sa mga namatay ang ilang nagpoprotesta at mga sibilyan na tinamaan sa operasyon ng security forces.
May mga nasawi rin bunsod ng malawakang karahasan at pamimirata na isinagawa ng mga indibidwal at gang na walang kaugnayan sa mga demonstrador.